Thursday, September 2, 2010

Suicide Letter ng Isang Bakla ni Edgar Portalan

ni Edgar Portalan


Ito ay inakda ko para sa dyaryong PM na nalathala nuong Agosto 22, 2004 para sa kolum na Bagong Tinta ni Mr. Ronnie M. Halos......muli ko itong ire-repost dito bilang pakikiisa sa sama-samang paglalathala ng isang "coming out " blogpost para sa araw na ito ........


To my family,

Marahil ay magugulat kayo sa pagkakatagpo ninyo sa akin sa ganitong kalagayan. Bago po ang lahat, nais ko po munang humingi ng tawad dahil sa aking ginawa.Lubha pong hindi ko na makayanan ang bigat ng aking dinadala kung kaya napagpasyahan kong ituloy na ang matagal ko nang binabalak gawin.

Buo na sa isip ko na marahil ay sadyang hindi nyo na ako matatanggap at mauunawaan sa aking kalgayan. Minsan ko lang po sainyo aaminin, at hindi ko sinasadyang sa ganitong pagkakataon ko ilalabas ang tungkol sa aking tunay na pagkatao.Nais ko pong kumpirmahin at aminin sa inyo na tama ang inyong hinala na isa nga akong bakla!

Marahil ay hindi na kayo magugulat. Bata pa lang ako ay kinakitaan nyo na ako ng sintomas ng pagiging isang bakla. At dahil sa takot ninyo na mailabas ko ang katotohanan sa aking pagkato ay ginawa ninyo ang lahat upang ito ay hadlangan. Pinilit ninyo akong magpakalalaki. Ipinadama ninyo at ipinangaral kung gaano ninyo kinasusuklaman ang pagiging isang bakla. Bilang isang masunuring anak, pinilit kong sumunod sa inyong mga utos, sa abot ng aking makakaya. Napaniwala ninyo ako na isa nga akong tunayu na lalaki. At dapat maging kilos lalaki ako dahil nakakahiya ang maging bakla.Itinago ko ang aking tunay na damdamin. Nagbalatkayo ako sa pag-asang matatanggap ninyo ako bilang isang tunay na lalaki. Pilit kong itinatwa ang aking nararamdaman dahil sa takot na hindi ninyo matanggap oras na malaman nyo ang katotohanan. Matagal na panahon ko itong kinimkim at iningatan sa aking puso.

Ngunit minsan, ang isang lihim kahit na anong gawin mong pagtatago ay pilit at pilit na lalabas at aalingasaw.Dumarating at darating ang panahon na hindi mo na maitatago ang katotohanan at kusa na lang itong sisingaw. Nagpupumilit na umalpas ang isang natatagong damdamin hanggang sa hindi mo na ito mapigil . Kahit na anong tago ko, hindi ko na ito mapipigilang lumabas. Parang isang kumukulong tubig sa loob ng takure na hindi maglalaon ay lalabas ang singaw. At nangyari nga ang aking kinatatakutan. Ang pagsingaw ng aking katauhan!

Ngunit hindi ninyo ito natanggap at hindi niyo na ito matatanggap pa. Alam kong sinarado nyo na ang inyong kaisipan pagdating sa pagiging masama ng isang bakla. Na ito ay isang nakakasuka at nakapandidiring kalagayan ng isang tao. At ang hindi ninyo matangggap ay ang katotohanang kabilang dito ang isa ninyong anak.

Nalalaman kong masama ang loob ninyo sa akin. Sapagkat hindi ko na kayang itago ang aking tunay na pagkatao. Nasusuklam kayo dahil mas pinili ko ang lumantad kaysa tikisin ang aking damdamin. Na mas pinili ko ang kayo ay mapahiya kaysa sa hirap ng aking kalooban. Ngunit patawarin ninyo ako, naging mahina ako at nailabas ko ang dapat sana ay habambuhay kong kinikimkim hanggang sa aking hukay. At hind ko ito mapapayagang lapastanganin ang respetong inyong tinatamasa mula sa mga nakakakilala at mga kaibigan. Kaya ito ang huling naging pasya ko: ang putulin ang pag-usbong ng kahihiyan sa ating pamilya.

Sana maintindihan ninyo ako kung bakit ko ito ginawa. Hindi dahil sa kayo ay gusto kong ipahiya, manapa nga ay para iligtas kayo sa kahihiyan.

Pinili ko ang mas madaling paraan upang maayos ang takbo ng ating sambahayan. Naisip ko, kung patuloy pa kong mabubuhay sa kawalang direksyon at magulong buhay ng isang bakla, ay lalo ko lang kayong ilulublob sa kumunoy ng kahihiyan. Kaya minabuti kong wakasan na ito hangga't maaga pa, habang hindi pa nag-uugat ang aking piniling buhay.

Nais ko lang malaman ninyo na hindi ko ito ginusto. Bata pa lang ako ay ito na ang aking nararamdaman. Sadya nga lang yatang isinilang ako sa maling pagkakataon at maling panahon. Marahil ay hindi na ako maiintindihan ng sinuman sa aking kapwa. Kung sarili ko ngang pamilya ay hindi ako maunawaan, ano pa kaya ang ibang tao.

Maraming mga tanong ang hindi ko pa nasasagot; at marahil ay hindi ko na msasagot pa. Siguro Diyos na lang ang nakakaunawa sa akin. Ngunit mistulang kahit ang Diyos ay nakikiisa sa pagsasabing ako ay karima-rimarim. Hindi ko alam.

Saan ako ngayon pupunta? Bahala na!

Pinilit ninyo akong pinalakad sa isang diretso at malawak na highway. Maganda ang daan at sementado. Ngunit umiba ako ng landas at at aking tinahak ang malubak at baku-bakong Avenida. Kinuha ninyo ako at muling ibinalik sa highway, ngunit pilit ko pa ring tinatahak ang maputik na Avenida. Hanggang sa pabayaan nyo na kong lakbayin ang daan patungo sa kung saan man. At heto na nga ako , tinatahak ang mahabang Avenida ng kapalaran. Kung saan ito hahantong ay hindi ko alam. Kung ano ang naghihitay sa akin sa dako pa roon ay tanging Diyos lamang ang nakakaalam. Basta ang mahalaga ay tinahak ko ang daang nais kong lakaran.

Paalam sa inyong lahat!

Paalam!

No comments:

Post a Comment