by Mandaya Moore
Naglalakad ako. Sinusundan si Poging Mama. Aktuali, di naman sya ganon ka-mama. Di rin sya binatilyo. A basta, pogi sya, di matanda, di naman ganon kabata. Ang importante, nakita ko sya at sinundan ng lakad.
Nasa kahabaan kami ng Claveria— runway ko noon. Sa panahon ko, tatlo kaming supermodels sa Claveria Street. Yung isa, at di ko na maalala ang pangalan nya, mula sa kanto ng San Pedro Cathedral hanggang kanto ng Rizal Street ang area of responsibility niya. Akin naman ang mula corner Rizal Street hanggang Palma Gil Street. Panghuli si Jun Tuwad – mula kanto Palma Gil hanggang Aldevinco.
Magkaibigan naman kaming tatlo. May respeto sa isa’t isa. Di pwedeng lumampas ng AOR ng bawa’t isa, pwera na lang kung kinakailangan. At habang sinusundan ko si Poging Mama, kinailangan kong tumuntong sa AOR ni Jun Tuwad.
Malayo pa lang, nakita ko na si Jun Tuwad. Prepare na ako sa winning smile ko. Dumaan si lalaki sa harap nya, kunwari wala syang nakita. Dumaan ako, naka-smile. Smile din sya. At naka-thumbs up pa.
Umabot na ako ng Aldevinco sa pagsunod kay Poging Mama. Lumiko sya papuntang office ng Philippine National Red Cross. Di na yon AOR ni Jun Tuwad. Di ko rin kilala ang reyna sa lugar na yon. Pero tuloy pa rin ako sa pagsunod.
Lumampas na kami sa Red Cross. Biglang nawala si Poging Mama. Saan sya? Hinanap ko sya sa madilim na bahagi ng mga karinderya sa pagitan ng Red Cross at Fire Station. Wala. Hanap pa rin ako. Ang layo kaya ng nilakad ko para lang pakawalan ang pagkakataong ito.
Tumigil ako sa paghahanap. Tumayo. Nagsindi ng yosi. Matapos ang isang stick, itinuloy ang search. Madilim pa rin. Nguni’t likas yatang may night vision lenses ang aking mga mata. Nakita ko sya. Nakatayo sa gilid ng isang karinderya. Dahan-dahan akong lumapit. Ilang hakbang pa. Malapit na. Dagdag na hakbang pa. Sobrang lapit na.
“Sino ka? Ano kailangan mo? Ba’t sinusundan mo ako? Hold-upper ka?” may halong banta na sunod-sunod na tanong nya.
Hindi hold-up ang dineclare ko.
“Bakla ako,” tanging sagot ko.
Matagal na akong bakla pero sa pagkakataong ito, kailangan ko pang magladlad. Sa panahong ito, kailangan ko ipangalandakan na hindi ako straight.
Walang akong problema sa kabaklaan ko. Kailanman ay hindi ko ito hinanapan ng paliwanag. Kailanman ay hindi ako nagpaliwanag.
Sa pamilya ko, hindi ito isyu. Di napag-usapan. Basta alam na nila. Yon na yon. Walang nagtanong, wala akong sinagot. Swerte yata ako at di bobo mga kaanak ko.
Sa mga kaibigan naman, pakiramdaman na lang. Bahala silang manghula. Di ko naman sila tinanong kung straight sila, di na rin nila ako tinanong.
Huli akong nagdeclare na bading ako ay noong high school reunion namin. Andami kasing tanong: “May asawa ka na?”
“Wala,” ang sagot ko.
Meron namang ang tanong e: “Ilan na anak mo?”
“Wala,” rin ang sagot ko.
Paulit-ulit na tanong, paulit-ulit na sagot. Nakakapagod.
Kaya sa table namin noong reunion, nang may nagtanong na naman kung bakit wala pa akong asawa’t anak, sinagot ko sya ng: “Bakla ako.”
Akala ko titigilan na nila ako. Kumalat sa kabilang table, at sa kabilang table pa, hanggang sa buong batch na ang nakaalam.
At di pa sila nakuntento, may nagtanong pa ng: “Ha? Bakit?”
Mula sa kung saang table, nakarating sa akin ang tanong.
Sinagot ko ito ng isa ring tanong.
“Sya, bakit straight sya?”
Walang bumalik na sagot.
Noong gabi ng high school reunion, umuwi ako na may nakasabit sa sash sa aking katawan. Sa paligsahan na panay straight ang kalaban, bakla ang nanalo sa beer drinking contest.
Tinanghal akong: “Drunken Master 2009.”
panalo ka talaga Mandaya..haha
ReplyDeletebongga!
ReplyDeletePanalo!
ReplyDelete