Wednesday, September 1, 2010

Coming Out - Ms. Melanie

by Ms. Melanie

"Kailan mo nalamang bakla ka?" ang kadalasang itinatanong sa akin.


"Nung adoloscence stage" or "mga high school ako" ang madalas kong isagot.

Sa totoo lang, hindi ko alam ang totoo eh. Mahalaga ba?

Lumaki akong kasama ang aking ama at ina kapiling na rin ang aking ate. Sa hinagap, wala akong matandaang isyu sa aming pamilya tungkol sa pagiging malambot ko. Maaring napapansin iyon ng aking mga magulang pero nunca ko silang naringgan tungkol sa kabaklaan. Bagkus, ang mga pangaral nila tungkol sa kahalagahan ng pagtatapos ng pag-aaral ang tumatak sa aking kaisipan. Maligaya sila sa tuwing nakikita nilang masipag akong mag-aral at laging nasa Top 10 ng klase. Mga 7 or 8 years old siguro ako nang magkaroon kami ng heart to heart talk ni Papa tungkol sa edukasyon at mga pangarap niya para sa akin. Si Mama naman, tumuntong ng entablado nung Grade 2 ako para sabitan ako ng medalya. Ang Ate ko naman, isa sa pinakamasipag na tao sa mundo. Laging nakagabay sa akin.

Habang ako'y nasa elementarya, hindi ko nakitaan ang sarili ko na may pagkakaiba sa kalalakihan at may pagkakahalintulad sa kababaihan. Nakakalaro ko ang mga boys sa larong teks, bisikleta at habulan samantalang kaya ko namang lumundag ng mataas sa larong chinese garter at ten-twenty. Wala din akong matandaang tinukso ako ng bakla bakla during my tender years. Pero may isang kwento ang aking Mama na hindi ko makalimutan.

PTA meeting iyon at Grade 3 ako. Pagdating namin sa school, agad na nilapitan ako ng mga classmates kong babae, inakbayan at inayang maglaro. Siyempre, iniwan ko si Mama para makipaglaro. Then pag-uwi namin, nasabi niya na puro babae pala ang kalaro ko. Natatawa ako sa tuwing naaalala ko yun. Alam na yata niya na magiging bading ako.

Grade 6 naman ako ng magkaroon ng unang pagtangi sa kapwa ko lalaki. Lawrence ang pangalan niya at taga-section one. Ang cute niya sobra. Hindi ko pa lubos na alam ang pagiging bakla nun pero kinilig ang bubot kong puso sa kanya.
Adolescence stage I think is a crucial period of our lives. Changes happens here and we realize a lots of things. Dito kasi nadedevelop ang personality ng isang tao at aminin man natin o hindi, dito tayo natutong lumandi. Mas naging aware sa mga bagay-bagay na madalas gawin ng mag-jowa at mag-asawa. Ito rin ang stage of experimentation. Alam niyo na kung anong experiment ang tinutukoy ko. Kung nagkaroon man ng idea ang mga magulang ko na isa akong bakla, during this stage siguro eh na-strengthen ang paniniwala nilang iyon. Morning Dew ng Johnsons ang cologne, bulaklakin ang panyo at higit sa lahat, naka-style ala MTV VJ Belinda Panelo ang buho ko. Hindi ko kailanman naringgan sina Mama at Papa na mali ang mga choices ko sa buhay. Ang mahalaga, hindi ako gumagawa ng masama sa kapwa at pinag-iigihan ko ang aking pag-aaral. Tinupad ko lahat ng iyon hanggang sa makatapos ako ng kolehiyo.

Parte ng trabaho ko ang pakikisalamuha sa iba't ibang uri ng tao. Mayroong mga mausisa at mayroon namang patay malisya. Iniladlad ko man o kusang lumabas ang aking kabaklaan, hindi na mahalaga. Ang importante, sinunod ko ang payo ng aking magulang sabay taas noo na sasabihing... BAKLA AKO.

No comments:

Post a Comment