Friday, September 3, 2010

Jennifer, Jennifer - Nasan Ka? ni Carrie

ni Carrie

Guys, may ikukumpisal ako sa inyo."


Anticipated silence.

"I'm a gay."

Bumigay na ako sa pressure. Lasing ako nun, nakayuko, at tila tulalang nag-aantay ng dramtic cue kay Direk. Kasalanan ko naman, di ko maipakilala si "Jennifer", ang nagkukunwaring girlfriend na sa totoong buhay ay bakla din pala. Masyadong inconsistent ang mga kwento ko tungkol sa amin. Maraming loopholes. At madalas nilang nakikitang kasama ko ay hombre kesa merlat. Tuwing sumasama ako sa tagayan, di maiiwasang mapag-usapan ang ganitong mga bagay. Sa inuman, ang pulutan ay sex, love life, at kung si ganito ba ay bakla.

Pag nagkakayayaang mag-inuman, iwas na iwas na ako sa usaping relasyon. Sa paksang sex, nagkukunwari akong may karanasan, samantalang ang mga sinasabi ko ay nababasa ko lang sa xerex, sa wiki, at sa porn.

Bakit gusto nila akong hulihin? Bakit ayaw kong magpahuli?

Ang tao ay likas na mapagtanong. Kumbaga, usisero. Tsismoso. Hehe. Sa barkadang purong lalaki, di maiiwasan ang spekulasyon sa isang katoto na may kakaibang kinikilos. Bakit wala ka pang girlfriend? Sino kasama mo nung isang araw? Sino kausap mo sa telepono at bakit kayo nagsisigawan? Bakit madalas kayong magkasama ni ganito?

Mga tanong na di mamatay-matay pag di mo sinagot. At pag sinagot mo naman, may follow-up. At sasagutin mo ito ng isa pang kasinungalingan. Syempre, ikaw, mapipilitan kang humabi ng isang ginantsilyong kwento tungkol sa love life mo na hindi totoo. At pag nagkamali ka ng sulsi, lagot na ang kabuuan ng iyong piyesa.

Nung nalaman na ng barkada ko ang totoo, givenchy na ang acceptance.

"Tol, tanggap ka pa rin namin."

"Ayos lang yan. Barkada ka pa rin."

"Baka sa susunod naka-damit pambabae ka na ha." Naman. Di ko magagawa yan, kahit winish kong kasing hubog ko si Venus Raj at suot-suot ko ang mga sinuot nya sa Ms Universe, hanggang imahinasyon na lang ang ganyang pagtatangka.

"Alam na namin, hinihintay ka lang naming umamin." Tignan mo, talagang mamamatay lang ang alab ng pag-usisa pag inamin mo na sa kanila. Syempre, hindi pa natatapos dyan, iku-kwento mo pa sa kanila yung totoo. Syempre, parehong storya, iniba lang ang karakter. Ise-share ko na rin sana yung nagaganap sa kama, kaya lang ayaw nilang marinig. LOL.

Bakit ayaw kong magpahuli sa kanila? Ayokong magpahuli, kasi andun pa yung takot ko na mag-iiba ang tingin sa akin ng barkada. Baka isipin nilang niloloko ko sila, o kaya may lihim na pagtingin sa isa sa kanila at nagkukunwaring maging bahagi ng barkada para makasama sa mga inuman. Pero sa panahon ngayon, bukas na ang utak at kamalayan ng tao sa kabaklaan.

Nirirespeto nila ang kasarian ko, pero kung sinusuportahan nila ang mga ginagawa ko, hindi ko masabi. Basta, nandun yung mungkahi nilang maging ligtas ako sa mga "chorva" ko.

Dating nagkukuwari akong maging butch sa inuman; ngayon pwede na kong maging ako sa kanila. Hindi naman ako malambot na malambot, o nagtutumili habang kausap sila, pero malaya akong magbiro at gumamit ng gay lingo nang hindi napagdududahang bakla. Kasi alam nilang galing sa bakla. Meron pa nga sa kanila, umaasang magbabalik-loob ako. Natutuwa ako na may kaibigan akong busilak ang intensyon nila para sa akin. Ewan ko kung hindi pa rin nila matanggap ang tungkol sa akin. I think they still believe that someday I'll have a change of heart. Matagal na akong pusong mamon eh.

Matapos ng aking pag-amin, iba naman ang pinuntirya nilang lumabas. Na para bang may misyon silang ilabas ang lahat ng bakla sa barkada. Haha.

No comments:

Post a Comment