Wednesday, September 1, 2010

Ladlad by Echoserita

by Echoserita

Hindi ito pagsusuporta sa isang party list. Peksman! Wala akong ibang sinusuportohan kundi ang sarili ko lamang. Ganyan ako kaselfish. Anong paki mo?


Ang kwentong ito ay tungkol sa kung paano ako nagkaroon ng pakpak na mala-mariposa: kayumanggi, maalikabok, madetalye, at marupok. Maaring mas maganda ang pakpak ng isang paru-paro pero napaka-ambisyosa ko kung doon ko ihahantulad ang aking pakpak, ang simbolo ng aking pagiging malayang lumipad. At pwede ba, wag niyo na ring isuggest na pakpak ng paniki na lang. Kagimbal-gimbal. Che! Bigyan niyo naman ako ng konting awa.

Ito ang kwento ng aking paglaladlad. Kung paano ako lumabas sa aparador (in English, coming out of the closet).

Pero sa totoo lang, wala naman talaga kaming aparador sa bahay e, kaya hindi applicable ang term. Gaga!

Tinatanong ko noon kay Bro kung bakit ba ako naging ganito. Di naman niya ako sinagot. Ang sumagot ay ang mga diyosa. Takot ko ay! Isipin mo nga yun, yung sasagutin ka ng hangin.

Hindi ako sigurado kung saan nagsimula ang aking pagkabakla. Minsan naiisip ko nun na baka ako ay sinumpa. Minsan din, naiisip kong eh baka resulta ito ng malnutrisyon: nagkulang na sa bitamina at mineral ang utak ko at natuyuan ng sustansiyang magtataguyod ng paglalabas ng mga hormong nakakapagpalalake. Yung tunay na lalake. (Pre, pahiram naman lipstick dyan!) Minsan pa din, napapasabi ako sa sarili kong, “Ah, ito marahil ang epekto ng pagkaoverdose ko ng paracetamol noon.”

Walang malinaw na sanhi. Walang makapagsasabing bakit nagkaganito. Wala. Walang himala!

Ang alam ko lang, bigla ko na lang sinusuot noon ang panty ng kapatid ko. Aba, ang landi nga naman, di ba? Buti kumasya. Feel kong mujer ako. Feeling may vajayjay. Feeling babaylan. Feeling bilat.

At imbis na makipag-agawan ako noon ng trak at matchbox sa kuya ko, eh andun lang ako sa kwarto, tahimik na naglalaro ng paper dolls. Kung di ko man nilalaro mga yun, eh abala ako sa kagagawa ng damit nila. Bongga!

Hindi ko rin maipaliwanag noong inosenta pa lang ako kung bakit kapag nanonood sina kuya at papa, kasama ng ilang mga pinsan ko, ng makamundong palabas eh dun ako sa lalake nabubuhayan ng dugo. Kebs sa mujer! Kinabog siya ng imahinasyon ko, ng pagnanasa ko sa kalaro niya ng apoy sa palabas.

At kung bakit ang mga larawang ito noong kabataan ko ay nagkaganito, ewan ko. Ito ang mga ebidensiya ng pagkakaroon ko ng sayad noong ako’y isang mumunting mariposa pa lamang. Matawa ka na kung tawa, pero yan ang totoo. Eksenadora ang inyong lingkod. Kahit noong kabataan niya ay may mga sintomas na ng pagiging impaktang baklita.

Nang tumuntong ako ng elementary, dun na ako nagsimulang mahulog sa kapwa may lawit. Grade 6. Hanggang sa naitaguyod ang pagkakagusto sa kapwa may talong sa high school. Papalit-palit ng kinahulugan ng loob. Hanggang sa dumating ang araw na unang nagkaboypren sa kolehiyo. At nasundan pa ng kung sinu-sinong bumiyak sa puso ko at sa pagkababae ko, sa pagkabirhen ko. (Coming soon: post na pinamagatang “To All The Boys I Loved Before”).Sa ngayon, kung alin mang daan ang tinahak ko, wala akong pinagsisihan. Masaya ako. Masaya ang ganito. Masarap. Hindi mapait, di mapakla. Hindi lasang paminta. Walang tinatago. Ladlad kung ladlad.

Makulay ang mundo ng isang vaklush. Maraming thrills. Maraming adbentyur. Pero hindi ako nanghihikayat na maging katulad ka namin, dahil kung ikaw ay may balak na maging isa sa amin, utang na loob, wag na! Mataas na ang kumpetisyon. Nag-aagawan na ng mga resources. Chos! Di din pedeng talo-talo, pwede ba!

Ang pagiging bukas sa madla kung ano ang totoong ikaw ay isang napakatapang na desisyon. Maaring marami ang hindi agad makakaunawa at makatanggap. Ngunit kapag ikaw mismo ay tanggap mo kung ano ka at hindi mo ito ikinakahiya, ganundin ang magiging pagtanggap sa iyo ng mga tao. Ang paglaladlad ay di nangangahulugang ipagsigawan mo sa mundo ang kung anong sayad meron ka. Maraming anyo ang paglalahad. At ang anyo nito ay natatangi sa iyo.

Kaya sa mga hindi pa alam kung ano at sino talaga sila, isa lang ang payo ko: magpakatotoo. At utang na loob, wag nang magtago sa closeta. Wag maging closet queen, dahil ang totoo walang reynang nakakubli sa aparador. Ang reyna ay ninamnam ang pagkakaupo sa trono. At ang reyna ay…

AKO!

At dahil diyan, ito ang Song for the Post natin ngayon: Eminem - Cleaning Out My Closet

“I’m sorry, Mama. I never meant to hurt you. I never meant to make you cry but tonight I’m cleaning out my closet.”

Lisanin na ang aparador! Linisin na ang closeta! Lumabas ka na! Isa kang malaking dumi sa closeta! Niyahaha…

No comments:

Post a Comment